Entries for June, 2007

            I was looking through some files in my computer when I came across a short story I wrote in my freshman year. I have not written stories or poems for quite some time. I am not exactly a writer. I just write when I am bored or got nothing to do. Anyway, I just thought I'd post it here for others to read.

             45 na minuto na ang nakalipas matapos ang alas-dose. Papunta na ako sa GAB 306. May klase ako sa KOM I at ayaw kong mahuli. Wala pang tao sa GAB 306. Wala pa ang aking mga kaklase. Gayunpaman, nagpasya na akong pumasok sa silid-aralan.

            Pagpasok ko sa silid ay agad kong binuksan ang aircon. Pagkatapos nito ay may napansin akong mga gamit na nakapatong sa isang upuang nasa pinakaunang hilera sag awing gitna. May CD player at may mga CD. Kung hindi ako nagkakamali, kay Maam O ang mga iyon. Gagamitin siguro sa klase namin ngayon. Nabasa ko ang mga letrang J-O-E-Y-A-Y-A-L-A sa isa sa mga CD. Kinuha ko ito at binuksan upang makita ang mga kantang nilalaman. Hindi sinasadya, dumulas ang CD at lalagyan nito sa kamay ko. Agad kong dinampot ang mga ito at ininspeksyon. May gasgas ang CD. Malaki. Basag ang isang bahagi ng lalagyan nito. Bigla kong naramdaman ang kaba. Kasabay nito ay ang pagtulo ng aking pawis at pagnginig ng aking buong katawan. Lagot. “Ano ang gagawin ko?” aking tanong sa aking sarili.

            Tinignan ko ang aking relos. Sampung minuto na lang bago mag ala-una. Ibinalik ko ang CD sa lalagyan nito at inilagay sa upuang pinagkuhanan ko. Lumabas ako at nagtungo sa banyo habang iniisip kung ano ang gagawin ko. Nakikinita ko na ang gagawin ni Maam O pag nakita niya ang produkto ng pagiging pakialamera ko. Bigla itong magbabago ng anyo. Magiging parang halimaw sa kanyang panenermon. Marami itong sasabihin ng pasigaw at pati ang mga kaklase ko ay madadamay. Sa sobrang pagkainis nito ay hindi na siya magtuturo. Aalis ito at iiwan kami. Bago siya umalis, sasabihin niyang bahala na kaming mag-aral para sa Finals. Hindi dito nagtatapos ang eksenang nabubuo sa utak ko. Pagkaalis niya ay agad akong susugurin ng aking mga kaklase. Isusumbat nila sa akin ang posible nilang pagbagsak sa KOM I dahil sa katangahan ko. Mumurahin ako ng mga ito. Mabibingi ako sa sobrang ingay nila.  Hindi ko kakayanin yon.

            Limang minuto na lang bago mag ala-una. Lumabas na ako sa banyo at pabalik na sa silid. Nasa loob na ang mga kaklase ko. Huminto ako sa tapat ng pintuan at tinignan ang aking sarili sa salamin nito. Putlang-putla ang aking mukha at tumatagaktak ang aking pawis. Kailangan ko nang magpasya. Papasok ba ako o hindi? Kakayanin ko ba ang kaparusahan sa aking pagkakamali?

            Ala-una na, ayon sa aking relo. Nakapagpasya na ako. Hindi na ako papasok sa klase. Hindi na bale na liban ako sa araw na ito. Bahala na si Maam at ang mga kaklase kong tumuklas kung sino ang nakasira ng CD. Kapag tinanong ako kung bakit ako umabsent, sasabihin ko na lang na nagkasakit ako.

            Pababa na ako mula sa ikatlong palapag ng GAB. Unti-unti ko nang iwinawaksi ang mga pangyayari sa utak ko nang biglang makita ko si Maam O. Papanhik ito sa GAB 306, nakangiti at may bitbit na CD player at CDs na kasama ang kay Joey Ayala. 

Posted by Louie on June 28, 2007 at 05:22 PM | 4 comments
« 2007/05 · 2007/07 »